Archive for February, 2007

Masking Tape Law

Tuesday, February 13th, 2007

Nanood ako ng APOCALYPTO (supposedly kasama ko ang kapatid ko pero dahil inaway ko sya, ako lang mag-isa ang nanood). Anyway, dahil nasa CinemaGold ito sa Festival, ikinatuwa ko. Mas komportable at mas feel ko ang atmosphere dito (dahil parang ang linis-linis) kesa dun sa malaking sinehan. Dahil ako lang mag-isa, dun ako sa last row naupo. Walang nakaupo sa katabi kong mga upuan  kaya pabor na pabor ito para sa’ken. Sa bandang kanan ko ay mayroong mag-jowa, sa bandang kaliwa naman ay isang middle-aged man na wala ding kasama. Ang mga nasabing tao ay lumabas ng sinehan sa kalagitnaan ng movie, pinanood lang ang mga parte na hindi nila naabutan. Naunang lumabas yung mag-jowa, naisip kong lumipat dun sa pwesto nila kasi gitnang-gitna ito pero tinamad ako. Di bale na, komportable na naman ako e. Sumunod umalis ang middle-aged man. Dun sa more or less remaining 30 minutes ng film, may pumwesto dun sa inupuan ng middle-aged man. Ewan kung magkaibigan lang sila, hindi naman sila mukhang mag-jowa. Pagkaupo pa lang, daldal na ng daldal itong babae. Isang upuan lang ang pagitan namin kaya dinig na dinig ko sya. Ang lakas pa ng bunganga nya. Nandun na kasi sa part na binibigyan sila ng "chance" makatakas. Etong si babae, "Ang daya, ang daya nila" (yung mga pinapatakas kasi e ine-aim-an naman ng pana, sibat at kung anik-anik pang sandatang maaaring ibato dun sa tumatakbo para makatakas). Naisip ko noon din na sana lumipat na lang pala ako ng pwesto, malayo dun sa mala-machine gun na bunganga ng babaeng malapit sa’ken. Pero kinabog talaga ako dun sa pagbabasa nya ng subtitle. Tangina naman, hindi ba marunong magbasa yang katabi mo at kailangan mo pang magbasa ng malakas? Sobrang dinidibdib ko na yung panonood, kina-career ba, tas sinisira ng babaeng yun ang moment. Peste ka! May dala ka bang popcorn? Bakit hindi mo kaya saksakan yang bibig mo nang tumigil ka na sa kakasalita? Bwisit na bwisit talaga ko. May eksenang morbid e, tas napamura sya ng malakas tas parang napahiya naman sya kasi sinaway sya ng kasama nya. Pero hindi pa din sya tumigil, nakakagigil na talaga. Tumingin na nga ako sa side nila e, hindi man lang nakaramdam. Paksyet! Punyeta ka naman e, ikaw lang ang maingay sa sinehan a. Lahat halos concentrated sa panonod dahil nagbabasa ng subtitle tas ikaw maingay sa panonood. Konting konsiderasyon naman sa iba. Nasa bahay ka ba? Bakit hindi mo na lang kaya subukang umupo sa harap, gumamit ng mic, mag-iba-iba ng boses na parang dinu-dub mo na yung movie para sa aming nanonood para hindi na din kami mahirapan sa pagbabasa ng caption? Yaman din lang, na binabasa mo yung caption na parang hindi marunong magbasa ang mga tao sa paligid mo. Bwiseeeeet!

Siguro para sa kapakanan at ikabubuti ng mga manonood, at para mapangalagaan na din ang aming karapatang pantao sa isang matiwasay na pagsisine, dapat may magpasa ng batas sa kongreso na magpapatupad ng paglalagay ng masking tape sa bunganga ng kung sinuman na makakasagabal o makakaistorbo o makakagulo o makakapagpairita sa iba pang manonood. Syet!

Todo Na ‘To!

Friday, February 2nd, 2007

Matagal-tagal na since huli ‘kong nagsulat ng blog. Me nilagay akong kabobohan dito, pero sa di malamang kadahilanan hindi sya na-publish.

Ang dame ko nang kwento kaya naisip kong mailagay na nga at baka mapanis pa..

(As usual, kwentong jeepney na naman ito)

Unang kabanata….

Isang ale kasama ang kanyang dalawang kids ang nagpara sa may United para sumakay ng jeep. Sumigaw si ate, "Mama, sandali lang." Pinasakay nya ang isang batang lalaking bilugan ang katawan. Pagkatapos sumakay din sya. Isang batang babae naman ang nag-struggle sa pag-akyat ng jeep. Dahil sa hindi alam ng mamang tsuper na dalawa pala ang batang kasama ng nasabing ale, umandar na ito. Nagalit si misis, paano daw kung nahulog ang bata. Sinisi ng misis ang manong sa insidente dahil pinaandar nito agad ang jeep. Nangatwiran naman si manong na hindi nakita ang bata. Gusto ko naman sila usigin pareho; si manong dahil nagsakay sya sa maling lugar, nagmamadali tuloy sya sa pag-andar (bukod sa hindi nya nakita ang bata) dahil baka mahuli sya ng pulis na may malaking bola sa tiyan. Si ate naman dahil inunahan nya yung isa pang bata sa pagsakay, sa laki nyang yun, malamang nga hindi nakita ni manong driver yung bata. Dapat inalalayan nya din yung batang yun sa pagsakay. Mabuti na lang at walang nangyari dun sa bata. Ang hirap kasi saten minsan, hindi naten tinitignan yung mali naten. Madalas naghahanap tayo ng maituturo at mapagbubuntunan ng sisi.

Ikalawang kabanata….

May mga taong exhibitionist magnet. Pero ako, tila may magnet ata sa mga dalagang ma-lisa (scientific name: Pediculus humanus capitis eggs/ova). Unang insidente, napansin ko ang kaiga-igayang buhok ng katabi ko. Maganda ang buhok nya - mahaba,  maitim at bagsak. Pagtitig ko, napansin kong tila may puti-puti. Balakubak kaya? Tinitigan kong mabuti.. holy kalamay! LISA! LISA! LISA! Nalungkot ako na sa edad nya’ng yun at boyfriend pa nya ang pinag-uusapan nilang magkakasama, e may lisa pa din sya. Miss, bakit kaya hindi mo subukan ang malathion? Ikalawang insidente (ilang araw lang ang nakalipas), may nakatabi na naman ako. Sa pagkakataong ito, kulot naman ang dalaga. May puti-puti din. Naisip ko na naman yung babaeng may lisa. Tinitigan ko din yung kanya.. inang gurya! LISA! LISA! LISA! Hindi ako nalungkot noon, nainis ako! Dahil sumkinda mahangin, nilalagay nung babae yung buhok nya sa isang side ng balikat nya, sa side na malapit saken. E langya, iilang pulgada lang ang layo ng buhok nya sa buhok ko. Ang masama pa nito, sinusuklay nya ng mga daliri yung buhok nya. Paano kung may kuto sya at magtalunan ang mga yun papunta sa buhok ko? AYOKONG MAGKAKUTO!!! AYOKONG MAGKA-LISA!!! Waaaah! May sabi-sabi akong narinig na nakaka-kuto daw ang Vaseline shampoo. At may isang pag-aaral na ginawa na mas gusto daw ng mga kuto sa malinis na buhok, mas nabubuhay sila dun. Hindi kaya napakahusay ng Vaseline sa paglilinis ng buhok at yung dalawang babaeng nililisa ay umuubos ng isang botelya ng nasabing shampoo sa loob lang ng isang linggo? Sana lang hindi ako maging magnet ng ma-lisa, ayoko na ng pangatlong encounter baka matuluyan na’ko. WAG PO!

Pagpasok ng taong ito, binigay sa isang subject namen yung test paper ng nakaraang taon para makita namen mga score at para na din ma-rebyu ito. May naging tanong, bakit franchise at hindi permit ang lisensya ng isang doktor. Ang naging kasagutan: Ihinalimbawa ang pagpapatayo ng gusali. Pag magpapatayo ka daw ng gusali, hihingi ka ng permit. Pag natapos na ang paggawa nito, wala na. Tapos na din ang silbi ng permit. Hindi kagaya ng franchise na nire-renew. Naisip ko noon ang business permit, hindi ba nire-renew din ito? Pero minabuti ko na lang na itikom ang aking bibig. Ngayon dahil nakaisip ako ng posibleng pagkakaiba ng permit sa franchise na mas convincing para sa sarili ko at dahil sa hindi matahimik ang aking kaluluwa, naisip kong ilagay na din dito. Ang permit ay nagbibigay sa atin ng laya sa kung ano man ang gusto nating gawin – business permit para tayo makapagnegosyo, driver’s license para tayo makapagmaneho, etc. etc. Ang dalawang nabanggit ay renewable, na kontra sa ini-imply na one-time eklavu lang ito. Ang franchise naman ay pahintulot para magawa naten ang gusto naten, kaakibat na ang pagbibigay ng serbisyo. Sa permit pwede din tayong magbigay ng serbisyo pero parang mas lamang ang pansariling intensyon dito. Sa franchise, mas lamang naman ang pagbibigay ng serbisyo. Parang Jollibee at McDonald’s, pag nag-franchise ka nito, nandun ang pansariling intensyon na kumita ng pera pero mas kapansin-pansin ang pagbibigay ng serbisyo sa pamamagitan ng pag-seserve sa atin ng malinamnam na Chickenjoy, Jolly spaghetti, Peach mango pie, Chicken nuggets, McChicken, pati na Twister fries at McShaker fries na pasulpot-sulpot lang. Parang pagdodoktor, nagbibigay sila ng serbisyo sa pamamagitan ng paapapanatili ng ating kalusugan. Opinyon ko lang naman ito, sa makakabasa nito na gustong magreact, ibinibigay ko ang aking pahintulot. Bakit ko ba isiningit ito? Wala lang, commercial sa jeepney joyride kwento chuva. Gusto ko lang din um-epal dun sa sinabi samen at para lang kunwari may alam ako.

Ikatlong kabanata….

Pagkagaling ng Kanluran isang hapon nang uwian, trapik. Tinanong ko si Anna kung maglalakad na lang ba ako hanggang Olivarez, sabi nya oo. Pero tinatamad ako kaya lumakad ako ng kaunti para mag-abang ng masasakyan. Tamang-tama, may derechong Muntinlupa. Sakay ako kaagad. Halos ayaw kumilos ng sasakyan pero ayus na din, at least isang sakay lang ako. Nakalampas na kame sa trapik, matutuwa na sana ako kaso naman ang pagmamaneho nitong si Tatang, kamusta naman? Slowly but Shirley Fuentes ang drama. Para pa din kaming nasa trapik. Hindi ko alam kung nasa prusisyon ba kame, kulang sa horsepower ang jeep o sadyang ganun lang magpatakbo si tatang. Naisip ko na lang kailangan kong tatagan ang kalooban ko. Ngunit, datapwa’t, subalit, nasa Pacita pa lang kame ay dama ko na ang unti-unting pagkapuno ng pantog ko. Manong, konting bilis please. Tila isang piping panalangin na hindi dininig, hindi nagbago ang takbo ni tatang. Nais kong tawagan noon din ang RAA system; itaas na lang ang aking presyon kesa magsabog ako ng jingle bells sa pampublikong sasakyan. Pati na din ang ADH ng aking posterior pituitary, ma-release nawa sya para i-increase ng kidneys ko ang water reabsorption para hindi na madagdagan ang build-up sa aking pantog. Dahil nasa likod lang ako ng driver, gusto ko na syang batukan. TOINK! Bilis naman ho ng konti. Walang nagbago sa speedometer kaya nag-isip na lang ako ng “happy thoughts”, konting pasensya na lang sa mamang makupad magpatakbo. Mukhang epektib naman dahil naiuwi ko pa ang laman ng pantog ko at naiupo ko ang aking sarili sa kasilyas. Sabi nga, “Patience is a virtue”.

Ikaapat na kabanata….

Isang hapon na pauwi ako, lampas na ako ng Pacita. Nandun ako sa side na mainit, pero tiniis ko na lang tutal bababa naman ako sa may San Pedro. Tumigil ang jeep sa may Executive Facial Center chuvanes. Bakit kaya ayaw pang umandar nitong si manong? Sa nipis ng uniform ko, matutusta na ng araw yung balat sa likod ko. Maya-maya pa, napansin ko ang isang babaeng napakabagal maglakad, may ere ito ng ka-sosyalan. Sasakay kaya siya ng jeep? Sana bilisan naman ng konti ang lakad. Bumulaga sa estribo ng jeep si… (taan-tanaaan-tanaaan) Ms. Odette Khan. Oo, hindi ka nagkakamali ng basa, si Odette Khan nga, yung kontrabida noon sa Valiente. “Miss, makikiusog na lang. Baka lumampas ako..”, sabi nya sa katabi kong babae. At bat naman sya lalampas? Ayan, lalong nabilad yung likod ko sa araw. Nakiabot sya ng bayad sa’ken, oo, sa’ken nga. Asteeg! Ambigat ng boses… Odette Khan na Odette Khan *grinning like shit*. Ang nakakatuwa, nagpasalamat sya nung iabot ko ang sukli nya, hindi kagaya nung ibang pasahero na hindi man lang marunong mag-tenkyu samantalang naabala ka nila sa pakikiabot ng pamasahe nila. Hindi ko lang sya malingon para tignan, nakakahiya naman kasi. Sabihin pa patay-gutom ako sa artista. Haha! Pero yung ale sa tapat nya, hindi mapigilan ang sariling tumingin sa artistang nakasabay, pati ang manong na driver, silip nang silip sa kanyang overhead na salamin. Naisip ko, kaya siguro gusto nya maupo dun sa dulo e para hindi na makakuha pa ng atensyon mula sa ibang pasahero. Ms. Odette Khan? Kayo nga. Kamusta na po kayo? Hindi ko na kayo nakikita sa telebisyon a. *that stupid grin again* Close ba??

Nitong nakaraan, napaka-filthy sa harap ng bahay namen, sa may garahe (wag nang pag-usapan ang kwarto ko dahil daig pa nito ang palaruan ng sampung impakto sa gulo) gawa ng mga pusa at kuting namen. Yung isang pusa, lintik kung makapag-take home ng daga, sisiw, ibon, goldfish (naganap ito last year pagkatapos ng bagyo), pati na basura ng kapitbahay. Yung mga kuting naman, dun tumatae. E napakabaho ng tae ng pusa di ba? Tas baka mamaya may mga parasite pa sila, hookworm eklavu, Ancylostoma braziliense. Sa ngayon, medyo umaayos-ayos na ang kondisyon sa garahe, bihira na mag-take home ng kung anu-anong hayop at basura yung pusa tas yung mga kuting, dun na ata sa labas, kung saan may lupang maaaring nilang pagbaunan ng mabaho nilang etchas, tumatae. Potty-trained na e!  

Ikalimang kabanata….

Sa pagkakataong ito, mula sa bahay papunta naman ako ng palengke, mabilis lang yun pero may napansin ako na sa palagay ko ay “worth blogging for”. Isang nanay o siguro lola na kasama ang kanyang anak o siguro apo ang kasabay ko. Kumakain ng dirty ice cream yung bata, nakalagay sa plastic cup. Pagkatapos kumain, kinuha ng ale ang cup mula sa bata, pinunasan ang kamay nito, tapos itapon palabas ng estribo ng jeep yung cup. Yung bata naman tinapon din yung hawak nya sa labas naman ng bintana. O di ba? Kung ano’ng ginagawa ng matanda, sya’ng ginagawa ng bata. Eto naming si ate, matanda na, hindi pa marunong mag-set ng magandang example sa bata. Tsk! Tsk! Meron namang basurahan sa loob ng jeep, ano ba naman yung umurong sya ng konti, abutin yung basurahan at doon magtapon? Mas inconvenient kasi kesa nga naman dun sa maghahagis na lang sa kalsada. Kaya hindi tayo umaasenso, konting disiplina lang, hindi pa naten maipamalas. Wala ding pagmamahal sa kapaligiran. Nakakalungkot isipin. Pagdaan sa harap ng simbahan, nag-sign-of-the-cross ang matanda. Di ba sabi “Cleanliness is next to Godliness”? Logically speaking, wala sa kalingkingan ng pagiging “Godly” ang ale, maski pa nag-krus sya. Ni hindi nga sya marunong mag-practice ng “cleanliness”. Pwede ba??

Ikaanim na kabanata….

Noong first Friday ng taong ito, syempre dagsa ang tao sa Landayan. Trapik. Pero hindi yun ang kwento ko. Nasa San Pedro na yung jeep na sinasakyan ko nang may mapansin akong pamilyar na mukha, ang bestfriend ko!! Nakita nya din ako kaya sumakay na sya sa jeep na sinasakyan ko. Dapat ihahatid nya pa yung ex nya pero matagal-tagal na din kameng hindi nagkita kaya sumakay din na sya. Okay lang yun, ex na naman yun e. E ako, bestfriend ako! Nyahaha! Nag-chismisan kame sa jeep, tapos sabi ko daan sya ng bahay para makapag-chismisan pa kame. Napagplanuhan na magkikita kame ule, lalabas lang gaya nung mga paglabas namen nung nakaraang taon. Hindi yun natuloy, kasalanan ko naman kasi nag-inarte ako. Nagtampo kasi ako sa kanya. Lumabas kame ng kapatid ko, inimbitahan ko sya, short notice pero confident ako’ng sasama sya. E pupunta daw yung girlfriend nya sa kanila, ayun hindi na naman kame nagkita. Sobrang nagtatampo na ‘ko kaya hanggang ngayon hindi ko sya tinetext. Kanina lang nag-forward sya ng message, dahil nag-iinarte pa din ‘ko, NR ang lola. Ganito lang ako magtampo, pero mawawala din to. Papalipasin ko pa ng konti. Hindi ko naman papaabutin dun sa punto na masisira ang pagkakaibigan namen, after all, sya ang bestfriend ko.

Kinabog talaga ko nang makita ko yung commercial ni KC Concepcion ng pH Care. Dahil kulot sya dun! Naisip ko lang na napaka-contradicting dun sa commercial nya ng Palmolive.. Waves? Curves? Bagay sya dito. But on my hair.. NEVER! Dapat silky straight! Ewan kung diwata ang role nya sa play dun sa patalastas ng panghugas ng pechay, pero pwede naman sigurong straight na lang ang buhok nya kung diwata man sya doon. Di ko alam kung bakit affected ako, daig ko pa ang may ari ng Palmolive. Haha!

Ikapitong kabanata….

Gaya ng dalawang babaeng lisa-in, dalawang babae din (pareho pang nursing student sa Perpetual) ang nakatabi kong ewan kung sadyang fragile at hindi kinakaya ang katawan pag inaapakan na ng driver ang silinyador kaya napapasandal saken o sadya lang na gusto akong gawing kutson. Ang sarap bigwasan sa mukha. Inilalayo ko na yung balikat ko pero parang may magnet yung mga balikat nila na maya-maya lang e nakadikit na naman. Dun sa una kong nakatabi, pinabayaan ko na lang, pinagpilitan ko na lang ilayo yung balikat ko kahit nandun na ako sa estribo at wala nang mailalayo pa sa kanya. Yun namang pangalawa, linsyak, mabwisit na sya kung mabwibwisit, sa bawat apak sa silinyador na dinadaganan nya ko, sya namang tulak ng balikat ko sa balikat nya sa bawat preno. Ump! Makaramdam ka naman! Ano ba?! Aba! Kalabisan na yun a. Hindi na tama. Mas nakakapanggigil yung una kasi parang wala akong kalaban-laban, wala akong nagawa. Hindi ko man lang nabalikatan kahit isang malakas lang yung nakatabi ko. Ipinagpapasalamat ko na lang na sa magkaibang pagkakataon ko sila nakatabi dahil kung nakasabay ko sila pareho at dinaganan nila ako sa magkabilang balikat, sasabunutan ko ang mga buhok nila kahit naka-boknay pa yun at pag-uumpugin ko sila. In my dreams. Ang nakakainis kasi hindi ako makakilos ng maayos. Ang mas lalong nakakainis naman e yung wala silang konsiderasyon sa katabi nila. Napakakomportable ng pagkakapwesto nila, sitting pretty ba, samantalang yung katabi nila e nahihirapan dahil nasisikipan at tila may pasan pa sa balikat. Hindi ko yun ginagawa sa mga nakakatabi ko kaya gustong-gusto kong magrebolusyon noong mga panahon na yun.

Ikawalong kabanata….

Papasok naman ng eskwelahan isang tanghali, sa dinami-dami ng jeep na nagdaan, ewan kung bakit doon pa ko napasakay. Nasa may Tunasan kami nun, tumigil yung driver para mag-abang ng pasahero. Di ko na maalala kung may sumakay basta ang tumanim lang sa kukote ko ay yung sunod na ginawa ng driver. Nag-growl sya na ewan dun sa taong-grasa na tahimik na nakaupo sa ilalim ng lilim ng isang puno sa sidewalk. Hindi ko masyadong na-make out kung ano’ng sinabi nya pero parang “putangina mo” ang dating sa pandinig ko. Gustong magdilim ng paningin ko sa driver, hayop amputaena! Ano bang ginawa nung taong-grasa sa kanya? Bago tuluyang patakbuhin ule yung jeep, sinilip pa nya yung taong-grasa dun sa may side na kinauupuan ko. Nakangisi syang parang demonyo. Kung hindi lang natatakpan ng shades ang mga mata nya, masasabi kong kaya lang sya lumingon e para tumingin sa ibang pasahero at kunin ang approval ng mga ito sa kabobohan nya. Ang sama ng tingin ko dun sa driver nun, feeling nya ata nakakatawa sya. Unggoy sya! Gusto kong ipukpok yung bag ko sa ulo nya, ipinapakita nya ang pagkahampaslupa nya sa ugali nya. Parang gusto kong sabihin sa kanya, “TARANTADO KA! ADIK KA BA?” Kung nakakamatay lang ang pagtitig ng masama, malamang pinaglalamayan na ngayon yung driver na yun sa sobrang sama ng tingin ko sa kanya pagkatapos ng ginawa nya. Habang nasa byahe, ang sama-sama at ang bigat-bigat ng loob ko, nagagalit ako na sa lagay nya’ng yun – isang jeepney driver – nakuha nya pang mang-hamak ng ibang tao. Hindi sa hinahamak ko sya dahil jeepney driver sya, palagay ko marangal yung trabahong yun dahil nagbibigay ang mga jeepney driver ng serbisyo sa mga kagaya kong commuter lang. Pero itong driver na ito, pinainit talaga ang ulo ko, pakiramdam ko kung hindi umakyat lahat ng dugo sa ulo ko, e natuyuan naman ako ng dugo. Oo nga at taong-grasa “lang” naman yung ginago nya, pero TAO pa din yun. Isa pa, gaya nga ng sinabi ko, nananahimik yung tao at wala namang ginagawa sa kanya. Wala sya kahit konting respeto. Para saken kasi, pantay-pantay lang tayong lahat – mayaman o mahirap, maputi o kayumanggi, dilat ang mata o singkit, berde o bughaw ang dugo, isa lang ang brief o mahigit sa tatlo. Naniniwala ako na yung taong-grasa na yun has as much right as that stupid-ass jeepney driver. He has as much right as any of us. Tila nang-iinis naman, ambagal ng pagmamaneho ng driver. Gustung-gusto ko nang makarating ng San Pedro para makalipat na ng ibang jeep. Gigil na gigil talaga ako nun, hanggang ngayon nga na isinusulat ko ito dito, nanggagalaiti pa din ako, nararamdaman kong parang sumisikip ang dibdib ko. Ilang minuto pa ang lumipas, nakarating na din ako sa may palengke ng San Pedro, gusto kong sigawan ang driver sa pagpara, mailabas lang ang pagkainis ko. Putangina mong unggoy ka, para sa tabi. Pinigil ko ang sarili at pagalit na “Ma, para..” lang ang nasabi ko.

Ikasiyam na kabanata….

Pauwi naman ng parehong araw sa ikawalong kabanata, derechong Muntinlupa ang nasakyan ko. Mega daldalan yung mga nursing sa tabi ko. Natatawa pa nga ako sa kwento nung isa, pinipigilan ko lang ang sarili kong mapangiti dahil baka sabihin namang usisera ako at nakikinig sa kwento ng may kwento. Hindi ko na sila pinagtuunan ng pansin, lumilipad na ang isip ko nang madale ng mga daliri ng katabi kong mama ang braso ko. Ayoko pa namang masyadong napapadikit sa nakakatabi ko sa jeep na hindi ko kilala lalo na at alam kong maluwag pa. Konsiderasyon na lang sa ibang pasahero, konting space naman. Para mapaiwas dun sa mama, umurong pa ako lalo sa katabi kong estudyante din, pero hindi naman yung tipong sinisiksik ko na sya. Tamang distansya lang dun sa mama. Nagpara yung katabi ko. Salamat makakaurong pa ako lalo. E punyeta naman tong mama, umurong din. Ayos lang naman umurong sya e, kaso maluwag pa nga, wag sya masyadong dumikit. Nakakairita sya. Nag-uumapaw na ang pagkairita ko nang magsalita ang katabing kong nursing sa kasama nya. “Mando?”, ang tinutukoy ata e yung katabi kong lalake. “Gusto mo ba lumipat na tayo ng jeep? Kunin mo yung pamasahe naten sa driver?” “May dala ka bang pepper spray? Ako may dala ‘kong pepper spray.” Tila nagpapatawa lang na sabi ng nursing student. Pero kinabog ako, paano kung MANDO nga ang lalake. Hindi naman siguro ‘to kikilos ng masama, broad daylight na broad daylight e. Medyo malakas ang pagkakasabi ng babae kaya palagay ko narinig din ng katabi kong mamang pinagkakamalang mando. Tila tumingin yung lalake sa banda ng driver, yung tipong papara na pero hindi naman nya ito ginawa. Sabi nung isa pang nursing, sa may kalakasan ding boses, “Kala ko bababa na.” Akala ko din bababa na sya, parang natatakot na ‘ko. Tas parang naririnig ko pa yung dalawang kapwa ko estudyante na bababa na sila ng San Pedro. Pa’no na ‘ko? Pa’no kung wala nang ibang pasaherong sumakay? Pa’no kung mandurukot nga yung mama? Pa’no? Pa’no? Pa’no? Pinilit ko’ng kalmahin ang sarili ko pero ramdam na ramdam ko pa din ang pagtambol sa dibdib ko na daig ko pa ang uminom ng isang tabong kape. Wala ako’ng maaaring ibigay dahil cellphone lang ang meron ako, kahit pa sira na ang speaker nun at audio na lang ang gumagana, wala akong balak ibigay yun sa kanya dahil bigay yun ng kapatid ko. Yung wallet ko, singkwenta pesos na lang ang laman, idadagdag ko pa yun sa baon ko pangkinabukasan. Pilit ko na lang iniurong ang sarili ko, basta wag lang mapadikit sa mama. Nakahalata ata na sa bawat usog nya palapit, uusog din ako palayo. Medyo umurong sya palayo kaso naman bumukaka sya at halos dumikit na ang tuhod nya sa tuhod ko. To think na derecho na ang pagkakaupo ko nun, hindi yung nakatagilid na parang upong-bente pesos. Dumating kame ng San Pedro, hindi pa bumababa yung dalawang estudyante. United, nandun pa din sila. Naisip ko baka sa Tunasan, okey na din at least malapit-lapit na, konti na lang samen na. Bago pa man dumating ng Tunasan, nadagdagan pa yung mga pasahero. Tas yung katabi ko lumipat sa kabilang side, dun sa kasama nya. Yes! Magkakaroon ng mas malaking pagitan samen nung mama, wag lang syang uurong. Thank You po! Thank You po! Nauna pa nga ako bumaba dun sa dalawa. Yung tanong sa isip ko na tama kaya ang hinala nung katabing kong estudyante at ng kasama nya ay hindi na nagbigyan ng kasagutan. Sobrang ipinagpapasalamat ko na lang na nakauwi na ‘ko. Para sa mga natitira pang pasahero sa jeep na yun na lulan ang misteryosong lalake, sana ang kasagutan ay “MALI..”